Dahil taglay niya ang mala-anghel na tinig, nasungkit niya ang unang gantimpala. Masayang-masaya siya ngunit ang panandaliang kasiyahan ay napalitan ng kalungkutan ng ang premyong pera na itatabi niya sa kanyang pag-aaral ay sapilitang kinuha ng kanyang ina para igasta sa bisyo nito. Sinampal at nakatikim ng mga masasakit na salita si Lorena mula sa kanyang Nanay. Tumakbo siya sa dalampasigan habang umiiyak. Gulat sa kanyang nalaman si Lorena. Hindi siya tunay na anak ng kanyang Nanay. Isa siyang sirena. Anak ng reyna ng Dagatlandya. Sa tulong ni Pawikana, naglakbay siya sa karagatan patungo sa kaharian ng kanyang tunay na ina. Ngunit, hinarangan sila ng masamang sirena na si Oktupoda. Sinugod siya upang paslangin pero biglang naglabas nang nakakasilaw na liwanag ang kanyang mga mata. Tuwang-tuwa siya at si Pawikana.
Maraming pagsubok ang pinagdaanan ni Lorena sa ilalim ng dagat bago niya narating ang nakaratay niyang ina, ang reyna ng Dagatlandya. Nariyan ang malapit siyang matusta sa bolang apoy ng dragon, makain ng pating, at matuklaw ng dagat-ahas.
Sa kanyang busilak na kalooban at pananampalataya sa Dakilang May Likha, nakamit niya ang pinakaasam-asam na pagmamahal ng isang ina na siyang pinakamabisang sandata upang kalabanin ang unos sa buhay at kasamaan ng mundo, sa lupa man o sa ilalim ng dagat.
Dieser Download kann aus rechtlichen Gründen nur mit Rechnungsadresse in A, B, CY, CZ, D, DK, EW, E, FIN, F, GR, H, IRL, I, LT, L, LR, M, NL, PL, P, R, S, SLO, SK ausgeliefert werden.